Photo Courtesy: Dix Balino
INIHAYAG ng Land Transportation Frnchising and Regulatory Board (LTFRB) na 10% lang ng mga pampasaherong tsuper ang nakiisa sa tigil pasada na isinagawa ng mga grupong tutol sa modernisasyon ng pampublikong sasakyan.
Bandang alas-11 ng umaga, ayon sa LTFRB, ay malliit na porsyento lamang ang nakiisa sa Metro Manila habang nasa limang porsiyento lamang ang naapektuhan ng transport strike.
Ayon kay LTFRB Technical Head Chief Joel Bolano, karamihan din ng rehiyon ay walang transport strike.
Kaugnay nito, muli namang nanawagan ang ahensya sa mga sumama sa strike na makipagdiyalogo nalang sa pamahalaan dahil handa naman silang makipagkompromiso.
Nananatili pa rin aniyang bukas ang kanilang pinto para pakinggan ang hinaing ng mga ito, nang hindi na tumagal sa isang linggo ang hirap din sa pagsakay ng ilang commuter.
Tiniyak naman ng LTFRB, na mananatili ang contingency measures ng pamahalaan gaya ng libreng sakay hangga’t umiiral ang transport strike.
