DALAWAMPU’T apat katao ang isinugod sa ospital habang isa naman ang nasawi nang magkaroon ng ammonia leak at sunog sa isang cold storage facility sa Navotas City, Lunes ng gabi.
Gayunman, aalamin pa ng pulisya kung ang menor de edad na nasawi ay biktima ng ammonia leak.
Ayon naman sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng Navotas pasado alas-onse ng gabi ng Lunes nang nagsilabasan mula sa cold storage facility sa M. Naval Street sa Barangay NBBN ang mga empleyado nito matapos silang makaamoy ng ammonia.
“Parang may something na ano, masama sa ilong. Naaamoy namin kaya pinalabas na kami,” ani Larry Soriano, empleyado ng cold storage facility.
Agad rumesponde ang Bureau of Fire Protection (BFP) upang isara ang valve at makontrol ang ammonia leak.
Pero matapos ang isang oras, may pagsabog at sumiklab ang sunog.
Itinaas ng BFP ang ikatlong alarma, na ibig sabihin ay kinakailangang 15 na fire truck ang dapat rumesponde.
