
Ni Jet D. Antolin
TULAD ng inaasahan, nagulantang man, ay hindi na bago ang naiulat na pagtakas ng pinatalsik na Bamban, Tarlac mayor Alice Guo.
Kahit pa man, alam na ng sambayanan na malulusutan ni Guo ang anumang pagharang sa kanya, nadismaya pa rin ang publiko, higit ang mga politikong nagmayabang na hindi makakatakas sa gulong nilikha ang dating mayora.
Ngayon, nganga ang mga nagsipagyabang. Totoong nakapagsasalita ang pera.
Kanya-kanya na namang press release ang inilabas. May nagpapa-hold ng passports ng mayora at buong pamilya nito na tinangay ni Guo sa pagtakas.
Happy reunion nga naman ang nangyari dahil nagkita-kita ang buong pamilya sa Singapore.
Dito sa Pinas, kahit pa napapakamot na lang sa ulo ang mga politikong nadismaya, nais naman nila ngayong imbestigahan ang mga taong sangkot sa pagpuslit ni Guo.
Mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nagsabing agarang magsasagawa ng imbestigasyon sa pagpuslit ni Guo.
Sinabi nito na ang pagpapatakas kay Guo ay nagdudumilat na katotohanan ng korupsiyon sa pamahalaan at pagwasak ng tiwala ng publiko rito.
“Let me be clear: Heads will roll,” pagbabanta pa ng Pangulo.
Kinumpirma naman ni Immigration spokesperson Dana Sandoval na kasalukuyang nasa Indonesia si Guo
Nangako ang Pangulo na hahabulin ang mga nasa likod ng pagpapatakas kay Guo na isa ring Chinese citizen bukod pa pagiging pekeng Pilipino.
Nagbanta rin ang Pangulo na ibubunyag ang mga tiwaling nagpatakas kay Guo gayundin ang pagsasagawa ng imbestigasyon at ipataw ang kaukulang parusa.
“Walang lugar sa gobyerno ang sinumang inuuna pa ang personal na interes sa halip pagsilbihan ang mamamayang Pilipino ng may karangalan, integridad at hustisya,” ayon pa sa Pangulo.
Tulad ng dati, abangan na lang ang susunod na kabanata.
“pagsilbihan ang mamamayang ( o MAYAYAMANG ) Pilipino ng may karangalan, integridad at hustisya,”