
Sagip partylist Rep. Rodante Marcoleta

MALIBAN sa ilang kagawaran, halos buo na ang Gabinete na masisilbing katuwang ni incoming President Ferdinand Marcos Jr. pagsapit ng takdang araw na hudyat ng simula ng kanyang administrasyon.
Buo na ang economic team at maging ang ilang mga departamentong ipinagkatiwala sa mga hindi kaalyado. Gayunpaman, kapuna-punang wala pang naaitatalaga ang susunod na Pangulo para sa Department of Energy (DOE). Paliwanag ni incoming Executive Secretary Vic Rodriguez, kailangan maging maingat si Marcos Jr. sa pagtatalaga sa isa sa mga maituturing na pinakasensitibong kagawaran ng pamahalaan.
Sadyang mabigat ang deliberasyon kung sino sa apat na pangalan ang karapat-dapat italaga bilang Kalihim ng DOE, kabilang ang tatlong rekomendado ng mga kaalyadong tila naniningil sa suportang ibinigay kay Marcos Jr.
Isinusulong ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang anak na si Mikey Arroyo o di naman kaya’y si Energy Regulatory Commission chief Agnes Devanadera, habang giit naman ni outgoing Energy Secretary Alfonso Cusi na ipalit sa kanya si Sagip partylist Rodante Marcoleta.
Ang pang-apat – si Energy Undersecretary Benito Ranque. Ang siste, wala siyang matikas na padrino, maliban sa tinig ng mga pinakamalaking business at consumer groups na naniniwalang si Ranque ang pinaangkop sa pwesto – batay sa mga inilatag na programang akmang solusyon sa problema ng bansa sa enerhiya.
Sa apat na pangalan, laglag na ang batang Arroyo at si Devanadera. Sa pagitan nina Ranque at Marcoleta, dehado ang una.
Uulitin ko ha – walang padrino si Ranque.
Ang mayroon lang siya ay ang mga makabuluhang programang solusyon sa krisis sa enerhiya.
Ito yaong mga makailang ulit niyang inilatag sa DOE pero sa kasamaang-palad ay hindi pinakinggan ni Cusi.
Ano nga ba naman ang panama niya kay Marcoleta na kilalang kilabot sa pagptay ng mga prangkisa.
Katunayan, taong 2021 nang sakyan ang isyu sa paraang paghahain ng mungkahi sa Kamara para rebisahin ang prangkisa ng Meralco na ayon sa kanya ay labis-labis kung maningil sa mga energy consumers. Nakupu! Pagkatapos niyang katayin ang prangkisa ng ABS-CBN, Meralco naman pala ang kanyang puntirya.
Bilang isang kongresista, tila mas angkop kung bumalangkas na lamang siya ng mga panukalang magtutuwid sa mga butas ng mga umiiral na batas kesa balutin sa karimlan ang Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Pwede rin naman siyang magkusang-palo bilang kongresista, lalo pa’t isa naman pala siyang abogado.
Bakit hindi niya kinasuhan ang mga oligarko sa likod ng Meralco?
Sa ganang akin, paraan niya yun para “paaamuhin” ang bagong may-ari ng dambuhalang kumpanya.
Ang masaklap, pati ang mga tanggapaan ng pamahalaan, mapaparalisa sa kapritso ni Marcoleta.
Pag nagkataon, isang malaking bangungot sa susunod na Pangulo ang karimlang dala ng taong minsang binansagang demonyo.