
(EDITORIAL)
NASA kamay na ng Mababang Kapulungan ang ipinapanukalang P6.352 trilyong budget mula kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. para sa taong 2025.
“Ang badyet na P6.352 trilyon ay sumasalamin sa ating pangarap na mapabuti ang buhay ng bawat Pilipino,” ayon kay House Speaker Martin Romualdez matapos tanggapin ang panukala mula kay Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Tulad ng inaasahan, prayoridad sa badyet ang pagkakaroon ng trabaho, kalidad ng edukasyon, pinalawak na pangangailangan sa kalusugan, at proteksiyon ng lipunan.
“Sa 2025 national budget na ito, inaasahan namin na ibubuhos natin ang pondo para makalikha ng mas maraming trabaho, masiguro ang de-kalidad na edukasyon para sa mga estudyante, at mapalawak ang suporta sa Universal Health Care,” ayon sa talumpati ni Romualdez.
“Malinaw ang misyon natin: Ang mabigyan ng trabaho, edukasyon, at alagang pangkalusugan ang bawat pamilyang Pilipino,” dagdag pa nito.
Nakalinya rin ang dagdag-pondo sa 4Ps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Dapat na bigyan din ng sapat na tulong-pinansyal ang mga Pilipinong minimum wage earners sa ilalim ng AKAP (Ayuda Para sa Kapos ang Kita) program, lalo na sa panahon ng krisis na dala ng mga digmaan sa ibang bansa,” ayon pa kay Romualdez.
Tinitiyak ng Kongreso na matatapos ang deliberasyon bago ang unang recess sa Oktubre.
Sa lahat ng ito, sinabi ng Speaker na babantayan nang todo ang panukala upang matiyak na magagamit nang wasto ang badyet at mapunta ito sa karapat-dapat na proyekto.
Sa ordinaryong mamamayan, ang badyet ay hindi na kayang bilangin. Nakalulula para sa mga ito ang naturang halaga. Bahala na si Batman, sabi nga.
Marami na naman ang naglalaway at hindi pa man, nag-iisip na ng paraan kung paanong hindi man makadamba ay makakurot ng makukurakot.
May magpapairal na naman ng pagkagahaman. Na sa halip isipin ang kapakanan ng nakararami at mapabuti ang buhay ng Pilipino, sariling interes ang aatupagin.
Nawa’y maisip ng mga ito na marami ang naghihikahos. Marami ang lumalaban ng patas at nararapat lamang na bahagian ang mga ito — sa pagbibigay ng tulong at serbisyong laan para sa kanila.