MetroSunDaily

REAL NEWS * REAL TIME

Like father, Like son

Ni Angel F. Jose

SADYANG itinaguyod ang husgado para sa patas na pagdinig ng mga kaso. Sa husgado, walang kinikilalang estado.

Ang bawat panig pinakikinggan at ang mga ebidensya hinihimay sa hangaring maarok ang katotohanang sandigan ng pasya ng hukuman.

May mga pagkakataon din naman sa korte ang takbuhan ng mga taong nasuba. Pero paano na kung ang manunuba ay nasa loob mismo ng husgado? Sa Makati City Regional Trial Court, mayroong mag-amang kilala sa pagiging malapit sa isa’t-isa. Judge si tatay Gusting at idol siya ng kanyang anak na si Pepe.

Katunayan, nasa gitna ng landas tungo sa estadong kinatatayuan ng huwes ang anak na abogado na rin pala. Bukod sa pagiging super-close nilang mag-ama, pati sa diskarteng pera-pera magkasangga rin sila – partikular sa modus ng panunuba! Pero dahil kapwa abogado, batid nila kung paano makakaiwas sa demandang posibleng ihain ng mga nabiktima – kabilang ang isang negosyanteng nahuthutan ng P5-milyon lang naman. Dulog ng negosyante, P5-milyon cash ang nakultab sa kanya ng ni Atty. Pepe na nagpakilalang anak ni Judge Gusting ng Makati RTC.

Pag-amin ng negosyante, di niya personal na kilala si Pepe na di umano’y lumapit sa kanya para alukin ng tulong kaugnay ng kinakaharap na kaso. Ani Pepe, yakang-yaka niya areguhin ang asunto dahil ang tatay Gusting lang naman niya ang huwes na dumidinig ng naturang kaso.

Sa kagustuhang mawala ang stress na dulot ng kanyang kaso, kinagat ng negosyante ang alok ng tulong ni pepe kapalit ng P5-milyon.

Sa madaling salita, nagkaabutan na nga ng pera. Nang dumating ang takdang araw ng paglalabas ng pasya, sentensyado ang negosyanteng itsurang pinagsakluban ng langit at lupa sa hinanakit na inagwanta.

Bakit kamo? Dangan naman kasi, ipinangutang pa niya ang P5-milyong nasa kamay na ni Pepe! At dahil sentensyado na, nakiusap ang negosyante kay Pepe na ibalik na lang ang pera para nga naman iwan na lang niya sa pamilya habang siya’y nasa loob ng kwadradong selda.

Ang walanghiyang si Pepe, hindi na mahagilap pa. Sino ang mag-ama? Si tatay Gusting ang HARI SA HUSGADO, hbang ang anak na si Pepe HARI SA HALLWAY ng bulwagan! Pero teka, hindi ba’t sila rin ang tinutukoy na mag-ama ng isa pang biktima naman ng P10-milyong areglong nasuba? Sa mag-amang dorobo, may panahon pa naman para ayusin ang bulilyaso bago pa man kayo kastiguhin ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo.

Find this content useful? Share it with your friends!