UMAABOT sa 248 Pinoy sa Turkey ang apektado ng 7.8 magnitude earthquake na tumama sa naturang bansa at sa Syria nitong Lunes, ayon sa Philippine Embassy.
Ayon sa interview ng Unang Balita, sinabi ni Ambassador Maria Elena Algabre na wala pang naiuulat na nasawi dulot ng lindol.
“Ang mga Pilipino na 248 na nasa region na ‘yun ay apektado kasi po marami pong building ang nasalanta, walang electricity, malamig, umuulan,” sabi nito.
“May mga Filipinos po na umalis sa kanilang mga building kasi hindi safe at gumuho, na nasa shelter. Yung iba po kinupkop ng mga kaibigan na nasa safer na lugar,” dagdag pa nito.
Sinabi ni Algabre na naiulat na ang 78 aftershocks na ang iba ay sinlakas ng naunang naitala. Ikinalat na ang nasa 9,000 search and rescue personnel upang tuntunin ang mga biktimang nalibing sa guho.
Maraming mga bansa ang agad nagpaabot ng tulong sa search and rescue operation.
Nagpadala ang Turkey government ng 300,000 kumot at mobile kitchens sa mga biktima.
Ayon sa report ng Reuters, nasa 3,700 katao na ang naiulat na nasawi sa lindol na yumanig sa Tukiye at Syria.
Labing isang probinsiya ang apektado ng lindol, ayon pa kay Algabre.
