KINUMPIRMA ngayong Biyernes ng Philippine Embassy ang pagkamatay ng dalawang Pinoy sa 7.8 magnitude quake na yumanig sa Turkey at Syria.
“It is with deepest regret that the Embassy must inform the public of the passing of two Filipinos, both earlier reported to be missing in Antakya,” ayon sa kalatas ng embahada.
Hindi kinilala ang mga nasawi ngunit tiniyak na nakikipagkoordinasyon na ang embahada sa kaanak ng mga ito.
Umaabot na rin sa 21,000 ang nasawi sa malakas na lindol.
Niyanig ng lindol ang Turkey noong Lunes kung saan karamihan ay natutulog sa rehiyon na lugmok pa rin dahil sa civil war sa Syria.
Ayon sa Philippine Embassy, inilikas na ng Philippine rescue team ang higit sa 10 pamilya mula sa Antakya sa Hatay province, isa sa pinakamatinding napinsala ng lindol.
“We continue to tirelessly reach out to as many Filipinos as possible and acknowledge the support of the local Filipino community leaders and their network,” ayon pa sa embahada.
