DALAWANG Pinoy ang pinakahuling biktima ng pananakit sa magkakahiwalay na lugar sa Midtown Manhattan sa New York.
Ayon sa video na inilabas ng New York Police Department Crime Stopper, makikitang ginugulpi ang isang 73-taong-gulang na Pinoy sa 8th Avenue noong Linggo. Makikita kung papaano tinulak ng suspek ang biktima habang naglalakad patungo sa simbahan..
Pasa sa mukha at iba pang bahagi ng katawan ang tinamo ng biktima na ngayon ay nagpapagaling na sa ospital samantalang arestado ang suspect na nakilalang si Dominick Staton, 44, isang homeless.
Nitong Lunes, isa namang 53-taong-gulang na Pinoy din ang inatake sa isang fast food chain sa Midtown.
Sa inilabas ng NYPD Crime Stopper video, makikitang ginugulpi ang isang Pinoy na umoorder ng pagkain nang bigla siyang lapitan at suntukin ng suspect.
Makikita rin sa video kung paano pinanood ng isang customer ang pambubugbog ng suspek sa biktima. Agad tumakas ang suspek tangay ang pera at cellphone ng biktima.
Nagtamo ng pasa at sugat sa mukha ang biktima na agad na isinugod sa ospital.
Inaalam pa ng NYPD kung may kaugnayan sa hate crime ang dalawang insidente.
Ito na ang pang-34 na insidente ng mga pag-atake sa Pinoy na naitala ng Philippine Consulate General sa New York.
Muli na namang pinaalalahanan ni Consol General Elmer Cato ang mga kababayan sa New York na mag-ingat.
Isang rally ang inihahanda ng iba’t-ibang grupo ng Filipino community para kundenahin ang sunod-sunod na pag-atake sa mga kababayan.
