NILINAW ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Atty. Teofilo Guadiz III na hindi maaaring gamitin ang fuel subsidy sa ibang bagay dahil nakalaan lamang ito bilang pambayad sa mga piling gasolinahan para makabili ng produktong petrolyo.
Binigyang-diin ni Guadiz na lahat ng mga pampublikong sasakyan, maliban sa truck-for-hire, ay maaaring makatanggap ng fuel subsidy.
“Ang fuel subsidy ay walang pinipili ‘yan. Lahat ng mga nasa transport group ay amin pong binibigyan ng fuel subsidy. It will be available for everybody, including tricycles,” pahayag ni Chairman Guadiz.
“Consolidated man o hindi, tradisyunal man o modernized ang yunit, mayroong tyansa ang lahat ng operator na makatanggap ng subsidiya mula sa pamahalaan,” pagdidiin pa nito.
Ang halaga ng subsidiya na nakalaan para sa mga operator ng mga pampublikong sasakyan ay magkakaiba dahil nakadepende ito sa dami ng konsumo na kinakailangan ng kanilang pampublikong sasakyan.
Para sa iba pang detalye hinggil sa pagpapatupad sa Fuel Subsidy Program, tumutok sa mga official social media account ng LTFRB.