NAAKSIDENTE ang TV host na si Vice Ganda Sabado ng gabi matapos araruhin ng truck driver ang apat pang sasakyan kabilang ang sa TV host sa Quezon City.
Kasabay nito, nanawagan si Vice Ganda sa Lalamove na tulungan ang driver na nasangkot sa aksidente.
“Naararo kami, apat kaming sasakyan kasi parang nakatulog ‘yung driver, so wasak na wasak. So sana po tulungan n’yo ‘yung driver,” sabi ni Vice.
“Tsaka yung contractor, ‘yung may-ari nung truck, sana po tulungan n’yo ‘yung driver kasi naaawa rin ako dun sa driver kasi ang daming sasakyan ‘yun, apat.”
Naganap ang aksidente sa kanto ng Katipunan Avenue at C.P. Garcia sa Quezon City.
Sa video na naiupload ng netizens, nakita ang pagbaba ng tv host mula sa kanyang sasakyan at dumiretso sa isa pang kotse kung saan pinayapa nito ang babaeng pasahero.
Nabatid na mag-u Uturn ang mga sasakyan nang mahagip ng truck. Mabuti na lamang at walang nasaktan sa aksidente ngunit wasak ang mga sasakyang nasangkot.
