TILA nahimasmasan ang komedyanteng si Pokwang sa mga patutsada nya sa dating partner na si Lee O’Brian kung saan idinawit pa ang Bureau of Immigration at Department of Justice.
Sa mga naunang post ay binanggit umano ni Pokwang na may malakas na padrino si Lee kaya’t hindi pa rin ito naipatatapon palabas ng bansa sa kabila ng pagkapanalo ng komedyante na maipadeport si Lee.
Hindi nagustuhan ni Immigration Commissioner Norman Tansingco at Justice Secretary Boying Remulla ang mga nabanggit ni Pokwang kaya’t agad itong nag-public apology.
“Humihingi po ako ng dispensa sa lahat, lalo na sa BI na pinamumunuan ni Commissioner Norman Tansingo at kay Secretary Boying Remulla na namamahala sa DOJ. Naniniwala po ako sa proseso ng hustisya sa Pilipinas. Pasensya na po kung sa bugso ng aking damdamin ay may mga nasasabi akong di kaaya-aya,” sabi ni Pokwang.
Nag-sorry rin si Pokwang at nagpasalamat sa lawyer niyang si Atty. Rafael Calinisan ng Calinisan Domino and Beron Law Office para pag-aasikaso sa kanyang kaso. “Salamat sa pasensya at malasakit ninyo sa akin. Humihingi din ako ng paumanhin sa inyo dahil nailagay ko kayo sa alanganin dahil sa aking mga sinabi.”
“Pang huli, humihingi ako ng paumanhin sa taumbayan kung ako ay naging malupit sa aking mga nabibitiwang salita. Patawad po at sana ay patuloy po ninyo akong suportahan sa pamamagitan ng inyong pagunawa at panalangin,” pagtatapos ng public apology niya.
Ayon kay Pokwang, naghain ng Motion for Reconsideration si Lee noong Dec. 28, 2023 at nag-file rin ito ng Motion for Voluntary Deportation noong Jan. 10, 2024. Wala pa raw siyang kopya sa Motion na ito.
Naka-off ang comment box ng Instagram ni Pokwang kung saan naka-post ang kanyang public apology, kaya walang makapag-comment.
