TINANGGIHAN ng Taguig Regional Trial Court ang mosyon ng kampo ng TV host at aktor na si Vhong Navarro na manatili sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon sa korte, nabigo umano ang kampo ni Navarro na magbigay ng sapat na dahilan sa pananatili nito sa kustodiya ng NBI.
Sa report ni Nimfa Ravelo sa Super Radyo dzBB, nabigo rin ang kampo ng aktor na magbigay ng mabigat na ebidensiya na may banta sa buhay at kaligtasan ni Navarro sa Taguig City Jail.
Nauna nang iniutos ng Court of Appeals sa City Prosecutor ng Taguig City na magsampa ng kasong rape and acts of lasciviousness laban sa aktor base sa reklamong isinampa ng model-stylist Deniece Milinette Cornejo.
Sumuko si Navarro sa NBI matapos mag-isyu ng arrest warrant ang Taguig court sa kasong acts of lasciviousness.
Hiningi naman ng kampo ni Cornejo na mailipat sa Taguig City Jail ang aktor dahil ang Taguig court umano ang nag-isyu ng warrant of arrest laban sa aktor.
Noong Setyembre 20, umapela si Navarro na manatili sa NBI detention center dahil sa umano’y banta sa buhay ng aktor base na rin sa mga text messages na natatanggap ng kanyang asawa.
Sinabi ng korte na hindi nagbigay ng ebidensiya sa sinasabing text message na ang mga mensahe ay maraming kahulugan at hindi naman umano nagsasabing may banta ito sa buhay at seguridad ng aktor.
Ayon sa abogado ng aktor na si Atty. Alma Mallonga, si Navarro ang biktima at ang mga akusasyon laban sa kanya ay walang katotohanan.
Binugbog at ikamatay ng aktor ang pambubugbog sa kanya ng grupo ni Cornejo at negosyanteng si Cendric Lee noong January 22, 2014.
