PANSAMANTALANG nakalalaya ngayon ang aktor na si Kit Thompson matapos maglagak ng piyansang P72,000 sa mga kasong kakaharapin sa umano’y pambubugbog sa girlfriend at aktres na si Ana Jalandoni.
Sinabi ni Tanza chief of police Police Lt. Col. Rolando Baula na dakong alas-5 ng hapon nang palayain si Thompson.
“He was released in good and physical condition. He bailed for P72,000,” sabi ni Baula.
Kinasuhan ng Philippine National Police noong Marso 19 si Thompson ng mga kasong paglabag sa Section 5 (a) ng Republic Act 9262 o Anti-Violence against Women and Children Act.
Inaresto ng pulisya ang aktor noong Marso 18 matapos umanong saktan at ikulong si Jalandoni sa loob ng hotel na pinuntahan ng mga ito sa Tagaytay City.
“We do not condone any act of violence, especially against women. As we celebrate Women’s Month, we couldn’t stress enough the inherent role of the PNP to protect the rights of every woman in society,” ayon sa statement na inilabas ng PNP. “We vow to conduct a full, fair and transparent investigation,” dagdag pa ng PNP.
Samantala, sinabi naman ng aktres na desidido siyang ituloy ang mga kasong isinampa laban sa aktor.
