NASA kustodiya na ng awtoridad ng National Bureau of Investigation ang negosyanteng si Cedric Lee ilang oras matapos hatulan ng habambuhay na pagkakakulong gayundin ang modelong kasabwat nito na si Deniece Cornejo.
Isinuko ni Lee ang sarili sa mga awtoridad, ayon kay NBI director Atty. Medardo Dilemos.
Sinundo ng mga ahente ng NBI si Lee sa isang lugar sa Mandaluyong City matapos itong magpahayag ng kahandaang sumuko.
Agad kinuhanan ng mugshot at fingerprints si Lee habang ibinalik naman ang arrest warrant nito sa Taguig Regional Trial Court na inaasahang maglalabas ng commitment order.
Huwebes ng umaga ay hinatulan ng Taguig Regional Trial Court (RTC)-Branch 153 si Lee at Cornejo at kasama na si Frederick Guerrero at Simeon Raz na guilty at habambuhay na kulong dahil sa illegal detention sa TV host at komedyanteng si Vhong Navarro noong 2014.
