NAKALAYA na ang aktor/komedyante na si Awra Briguela Sabado ng gabi matapos makapagpiyansa dahil sa patung-patong na kasong kinasangkutan sa rumble na naganap sa harap ng bar sa Makati City, Huwebes ng madaling-araw.
Inisyu ni Makati Regional Trial Court Executive Judge Gina Bibat-Palamos ang release order ni Briguela matapos makapagpiyansa ng P6,000.
Nahaharap ang 19-anyos na aktor ng mga kasong slight physical injuries at simple disobedience to a person in authority.
Pinosasan at ikinulong si Briguela sa Makati police station matapos hindi makontrol ng mga nagrespondeng pulis ang aktor. Nagkaroon ng rumble sa pagitan ni Briguela at mga customer sa loob ng The Bolthole Bar sa Barangay Poblacion.
Ayon sa complainant, gusto sana niyang magpa-picture sa aktor ngunit gusto umano ni Briguela na maghubad muna ng pantalon ang lalaki. Hindi umano pumayag ang complainant dahilan para uminit ang ulo at magwala ang aktor.
Sa mga CCTV footage na inilabas ng may-ari ng bar, makikita ang sinasabing pangha-harass ng aktor sa lalaki. Umalis ang grupo ng complainant ngunit hinabol ito ni Briguela at mga grupo nitong lalaki at babae na nasa 24 katao.
Nang magresponde ang mga pulis ay hindi pa rin nagpatinag si Briguela dahilan para posasan na ito ng mga pulis at dalhin sa istasyon.
Nauna nang lumabas na hinipuan umano ang babaeng kasama ni Briguela dahilan para ipagtanggol ito ng aktor. Gayunman, sinabi ng mga bouncer ng bar na walang nangyaring sexual harassment sa mga babaeng kasama ng aktor.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Briguela hinggil sa totoong nangyari sa loob ng bar. Wala pa ring lumulutang na kasama ni Briguela upang patunayan na may hipuan na nangyari habang nagkakasiyahan sila sa bar.
