SINANGGA ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang panawagang dagdag sahod para sa mga manggagawang hindi na mapagkasya ang kakarampot na kita.
Katwiran ng DOLE — hindi pa napapanahon.
Ayon sa departamentong pinamumunuan ni Secretary Silvestre Bello, hindi pa angkop at napapanahon ang pagsusulong ng wage adjustment. Ayon kay Labor Assistant Secretary Dominique Tutay, wala pa sa maayos na estado ang ekonomiya ng bansang nilugmok ng pandemya. Kamakailan lang, nanawagan ang iba’t ibang grupong manggagawa para sa dagdag sahod bunsod ng ulat na isinapubliko ng Philippine Statistics Authority (PSA) na hayagang nagsabing nalagpasan na ng bansa ang target na paglago sa ekonomiya.
“Both the management, the workers, including the government know very well the situation of our economy and they cannot just increase the salary,” ani Tutay sa isang panayam sa telebisyon. Paliwanag ng opisyal, hindi pa sapat ang economic recovery na inanunsyo ng PSA. Katunayan pa aniya, nananatiling “very unstable” ang ekonomiya ng Pilipinas. Aminado rin si Tutay na bantulot ang mga negosyanteng wari niya’y nagmamasid at naghihintay ng resulta ng halalang maybibigay daan sa mga bagong polisiya ng susunod na administrasyon.
“Normally ang attitude ng investors dyan and even the businesses is to put on hold ‘yung business expansion or ‘yung bagong investments,” pahabol pa niya.