TALIWAS sa inaasahan, tinabla ng Department of Agriculture (DA) ang hanay ng mga rice at vegetable growers sa talaan ng mga benepisyaryo ng tatanggap ng P3,000 fuel subsidy ng pamahalaan.
Ayon sa pahayag ni Agriculture Undersecretary Kristine Evangelista, tanging ang mga corn farmers at mangingisda pasok sa listahan ng kanilang kagawaran.
“Pawang corn farmers at mangingisda ang nasa listahan ng 162,000 na makakatanggap ng subsidy,” ani Evangelista, kasabay ng paglilinaw na bahagi naman ng isa pang programang ayuda ng pamahalaan ang mga rice at vegetable growers. Katunayan aniya, mas malaki pa ang inilaan ng gobyerno sa mga magbubukid na nagpupunla, nagsasaka at nag-aani ng palay at mga gulay.
Sa ilalim ng programang Rice Farmer Financial Assistance, P5,000 aniya ang makukubra ng mga magsasakang nasa kanilang talaan.
Bukod sa pera, namamahagi na rin aniya ang kanilang kagawaran ng ng mga trak sa mga kooperatiba ng mga magsasaka sa hangaring pabilisin ang pagbibyahe ng kanilang mga ani sa pamilihan.
