According to the World Bank, the Philippines' gross domestic product (GDP) is expected to grow 6.0 per cent this year.
MULING nangutang ang pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng halagang $300 milyon para tustusan ang mga dagdag bakuna para sa agarang pagpapasigla ng kalakalang mag-aahon sa lugmok na ekonomiya.
Sa isang press statement ng World Bank, kinumpirma nito ang pagsang-ayon ng World Bank board of directors sa hiling ng pamahalaang pautangin pa ng karagdagang salaping lubos na kailangan para sa malawakang pagbabakuna ng mga booster shots sa gitna ng panibagong banta ng mutated virus strain na tinawag na Omicron variant. Saklaw ng pautang sa ilalim ng Philippines COVID-19 Emergency Response Project – Additional Financing 2 (PCERP-AF2), ang pagbili ng mga bakuna kontra COVID-19 para sa mga kabataang edad 12 hanggang 17, at maging yaong mga “immunocompromised” at senior citizens.
“Fair, broad, and fast access to effective and safe COVID-19 vaccines is vital to save lives and strengthen economic recovery,” ani Ndiamé Diop na tumatayong World Bank country director para sa mga bansang Brunei, Malaysia, Thailand at Pilipinas.
“This funding operation is critical for the country to safely reopen the economy and resume economic and social development activities, including face-to-face learning, that were disrupted by the COVID-19 pandemic,” dagdag pa niya.
Sa tala ng WB, aabot sa 27 milyong doses ng bakuna ang kayang bilhin ng naturang halaga.
Batay sa pinakahuling datos ng pamahalaan, pumalo na sa P12 trilyong ang pagkakautang ng bansang Pilipinas sa iba’t ibang institusyon, kabilang ang WB.
