HINIHINALANG inside job ang misteryosong paglaho ng pera ng mga depositor ng BDO.
Ito ay matapos matuklasang isang pekeng account ang ginamit ng pinaniniwalaang kasapakat sa bangko sa paglilipat ng pondo mula sa mga savings account ng mga depositors ng Banco De Oro.
Ayon kay Melchor Plabasan na tumatayong Technology Risk and Innovation Supervision Director ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), may mga indikasyong inside job ang naganap na fund transfers mula sa BDO Unibank accounts ng mga depositor patungo sa account ng isang “Mark Nagoyo,” batay sa mga transaksyong nakatala sa bangko. “Definitely, merong taong involved diyan dahil lahat ng record nasa bangko,” sagot ni Plabasan nang tanungin kaugnay ng nasabing bulilyasong inireklamo ng mga may inilagak na pera sa BDO Unibank.
Aniya, hindi tunay na pangalan ng salarin ang Mark Nagoyo na nakatalang pagkakakilanlan sa bank account na pinaglipatan ng pondo.
“Hindi. Si Mark Nagoyo is a fictitious name. There is or there are real persons behind Mark Nagoyo,” ani Plabasan sa panayam.
Sa imbestigasyon, lumalabas na milyong halaga ang pondong ipinambili ng cryptocurrencies ang kinuha mula sa mga BDO depositors at inilipat sa account ng isang Mark Nagoyo sa Union Bank of the Philippines (UBP).
Saad naman ng pamunuan ng BDO, sasagutin nila ang anumang halagang nawala sa kanilang mga depositors.
