Ang vice mayoral bet na si Magallanes na binaril at napatay ng kapitbahay dahil sa parking ng sasakyan.
PATAY ang vice mayoral aspirant sa Maragondon, Cavite matapos ang pagtatalo sa kapitbahay dahil lamang sa parking ng sasakyan.
Kinilala ang biktima na si Nolito Magallanes, dating vice mayor ng Maragondon mula 2004 hanggang 2007, ayon sa report ng GMA News’ Unang Balita ngayong Miyerkoles.
Naganap ang insidente Martes ng alas-6 ng gabi sa harap ng bahay ng biktima sa Barangay Bacao II in General Trias.
Ang suspect ay nakilalang si Robert Amoranto, kaibigan at kapitbahay umano ng biktima.
Ayon sa spot report ng pulisya, nag-iinuman ang biktima at suspect nang magkaroon umano ng mainitang pagtatalo dahil sa pagpa-park ng sasakyan ng biktima sa basketball court.
Wala na rin umanong nakapaglalaro ng basketball dahil nakaharang ang sasakyan ni Magallanes sa court.
Dahil dito, tumayo na umano ang biktima at umalis sa grupo upang makaiwas sa pagtatalo ngunit sinundan siya ng suspect at binaril sa harap ng kanyang bahay.
Tumakas ang suspect matapos ang insidente at ngayon ay pinaghahanap na ng pulisya.
Humingi naman ng privacy ang pamilya ng biktima habang iniaayos ang burol nito.
