PATAY sa sampung saksak ang isang delivery driver habang ang kanyang 17-anyos na nobya ay hinihinalang ni-rape ng mga suspect na umatake sa kanila habang nagde-date sa Cagayan de Oro City.
Sa report, sinabi ni Cagayan de Oro City Police Office city director Police Colonel Aaron Mandia na naganap ang insidente hatinggabi noong July 17 sa Coastal Road sa Barangay Lapasan.
Kinilala ang biktima na si Cris Sabaldana Semaña, ng Western Kolambog, Lapasan.
Nabatid na ang biktima at nobya nito ay nagde date nang lapitan ng mga suspect.
Kinaladkad ng mga ito ang magkasintahan patungo sa madamong bahagi ng kalsada.
Doon ay pinagsasaksak na s Semaña habang nire-rape ang babae ng mga suspect.
Naisugod pa sa JR Borja Hospital ng Oro Rescue ang biktima ngunit hindi na rin umabot nang buhay.
Hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng medico-legal para nobya.
Samantala, sinabi ni Mandia na posibleng tatlong suspect ang gumawa ng krimen habang ang isa ay nagsilbing lookout.
Isa naman ang dinampot ng pulisya at iniimbestigahan na ngayon.
