
PALAGING mahalaga sa kasaysayan ng Pilipinas ang pampanguluhang eleksyon, sapagkat ito ang aktibidad na itinakda ng lipunang nayroong demokrasyang makapili ang mga botante ng magiging pinuno ng bansa sa loob ng anim na taon sa bawat takbo ng kasaysayan ng bansa. Ang halalang magaganap sa Mayo 9, 2022 ay inaabangan ng mga Pilipino dahil gusto nilang malaman kung sino ang papalit kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Maglilingkod ang susunod na pangulo mula Hunyo 30,2022 hanggang Hunyo 30,2028.
Napakaraming Pilipino ang gustong lumahok sa isasagawang halalan dahil ayon sa Commission on Elections (Comelec) naging 63 milyon ang kabuuang bilang ng mga botante hanggang nitong Oktubre 30, huling araw ng rehistrasyon ng mga bagong botante.
Mapapansing napakaraming kandidato sa pagkapangulo tulad noong eleksyong 1992.
Nariyan sina Bise-Presidente Maria Leonor Robredo, Senador Panfilo Lacson, Senador Emmanuel Pacquiao, Senador Christopher Lawrence “Bong” Go, Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, dating Senador Ferdinand Marcos Jr., lider-manggawa Leody de Guzman at retiradong Lieutenant General Antonio Parlade Jr.
Tanggalin natin ang katotohanan na mataas pa rin ang trust rating ni Pangulong Duterte kahit bumaba ito nitong huling sarbey.
Nangangahulugang napakarami pa ring Pilipino ang hanga at gusto siya, gayong napakaraming sakit ang bansa na hindi niya nalutas at nabago tulad ng iligal na droga, katiwalian at korapsyon, kahirapan, kawalan ng trabaho ng mga manggagawa, mababang suweldo, napakataas na presyo ng mga bilihin at marami pang iba.
Lahat ng kandidato sa pagkapangulo ay naghahain at naglalatag ng solusuon sa mga nasabing sakit ng bansa, maliban siyempre kay Bong Go.
Idiniin ni Go nang palitan niya ang kanyang certificate of candidacy (COC) sa pagkapangalawang pangulo ng pagkapangulo nitong Sabado, Nobyembre 13, na ipagpapatuloy at dadagdagan pa niya ang mga nagawa ni Duterte.
Napakaraming binabanggit ang mga kandidato sa publiko upang mapaniwala silang karaoat-dapat na iboto ang sinuman sa mga pulitiko.
Mayroon sa mga kandidato na nangakong ipakukulong ang mga tiwali at korap na mga opisyal ng pamahalaan sa loob ng anim na buwang paspasang paglilitis.
Mayroong nagyabang na muling “aahon” ang bansa mula sa bagsak na ekonomiya, sanantalang ang lalawigan niya sa Norte ay wala siyang nagawang kongkretong aksyon upang umangat ang buhay ng mamamayang mahirap.
Nagpakawala naman ang isa sa kanila na babawasan ng 50 porsiyento ang buwis ng mga produktong petrolyo upang guminhawa ang buhay ng mga mahihirap.
Inilatag naman ng isa pa na magkakaroon ng ayuda ang mga manggagawang mawawalan ng trabaho. Ang isa naman sa mga kandidato ay si Pangulong Duterte ang nagsasalita sa mga kinakailangan gawin ng bagitong senador kapag nanalong pangulo, kabilang ang paglaban sa mga drug lord. Nakalulula ang iba’t ibang pangako na ibinabandera nila sa midya na wala namang patunay na ginawa nila sa nakaraang mga taon.
Ang tanging mayroon katibayan ay si Duterte na mahigit 6,000 namatay sa madugong paglaban at pagsugpo sa iligal na droga na kanyang ipinayo kay Bong Go na ipagpatuloy nito.
Bukod sa mga naunang pangako na inilalabas sa kanilang patalastas sa telebisyon at ipinakakalat sa social media, asahang napakarami pang maglalabasang pangako mula sa mga naghahangad na maging pangulo ng bansa mula 2022 hanggang 2028.
Mag-ingat lang kayo sa kanilang, sapagkat marami sa kanila ang nanloloko sa mamamayang Pilipino.
Huwag paloloko sa mga pulitiko, kabilang na ang kandidatong ibinibida ang sarili bilang pambato ng mga manggagawa, pambato ng mga batayang sektor sa lipunang Pilipino.
