MABAGAL pa rin ang bakunahan sa rehiyon ng Calabarzon (Cavite,Laguna,Batangas,Rizal at Quezon) dahil sa pag-aalinlangan ng ilang mga residente na ayaw magpaturok ng kontra Covid-19.
Nasa 4,506,170 o 39 porsyento pa lamang ang mga indibidwal ang nabigyan ng kumpletong dose ng bakuna sa limang probinsya.
Habang naiturok na ang halos 10,100,763 doses ng bakuna kung saan 5,594,593 ang nabigyan ng unang dose habang 4,506,170 na indibidwal na ang fully vaccinated.
Ayon sa Department of Health region 4-A, marami ang nag-aalinlangan pa sa bakuna kontra Covid.
Isa sa dahilan ng mga residente ay dahil sa pagkatakot sa karayom o maling paniniwala sa bakuna.
Ang mga probinsya ng Laguna at Rizal ang may pinakamaraming indibidwal na ayaw magpaturok.
Upang mapataas ang bilang ng mga magpapabakuna, sama-sama nang nagbahay-bahay ang mga lokal na pamahalaan tulad ng mga barangay health workers, barangay officials at guro na magbigay ng tamang impormasyon at paliwanag hinggil sa bakuna.
Hinihikayat din ang lahat na magpabakuna upang makamit ang herd immunity sa rehiyon.
