
SADYANG itinaguyod ang husgado para sa patas ng pagdinig ng mga kaso.
Sa husgado, wala dapat kinikilalang estado.
Ang bawat panig pinakikinggan at ang mga ebidensya hinihimay sa hangaring maarok ang katotohanang sandigan ng pasya ng hukuman.
Pero sa isang korte sa mayamang lungsod ng Makati, iba ang diskarte ng mag-amang tuso – si daddy isang hukom habang ang anak tumatayong fixer sa mga asuntong hawak ng ama. Ito ang sumbong ng isang negosyanteng nahagip ng mag-amang tuso.
Dulog ng negosyanteng tawagin natin sa pangalang Pards, tumataginting na P5-milyon cash ang nakultab sa kanya ng isang nagpakilalang anak ng isang Judge sa Makati Regional Trial Court.
Ayon sa ulat ng aking napagtanungan sa Office of the Court Administrator ng Supreme Court, meron ng kaparehas na reklamo ang natanggap ng Mataas na Hukuman hinggil sa modus ng mag-ama sa Makati RTC.
Aniya nakaabang na ang imbestigasyon sa hukom at sa kanyang anak na isa ding abogado.
Sa isang kaso, tumataginting na P10-milyon naman ang nakuha ng mag-amang hoodlum! Susmaryosep! Ganun na pala kamahal ang aregluhan ng asunto sa husgado.
Ang siste, pagkatapos tanggapin ang P5 milyong areglo, binasahan ng sentensya ni Judge ang negosyante.
Dahil dito, hinihikayat na rin si Pards na magsampa ng pormal na reklamo sa Mataas na Hukuman laban sa mag-ama. Isasabay dito ang reklamo din sa naunang P10-milyong nakulimbat.
Pag-amin ni Pards, naengganyo siya sa alok na tulong ng anak ni Judge. Katwiran niya, masyado na kasing malaking abala sa kanyang maliit na negosyo ang asunto sa korte. Gayunpaman, nilinaw niyang tanggap naman niya ang hatol ng husgado.
Ang tanging hiling lang niya, ibalik ng mag-ama ang perang kinuha sa kanya kapalit ng “tulong na inalok mismo ng anak ng Huwes” sa kanya.
Sa isang banda, nangako naman ang anak na ibabalik ang pera sa kinultabang sentensyado.
Ang siste, mag-iisang taon na sa Nobyembre ang kanyang pangako.
May dugong politiko ba ng batang anak? Dangan naman kasi, parang sanay na sanay mangako sa kanyang nadehado. Higit pa sa katangian ng politikong puro pangako, tila nalaahian din ito ng dugong “mambo” – mambubulas.
Ang masaklap, parang si Pards pa ang tinatakot ng batang anak na nagsabing may voice recording daw silang hawak na lalo pang magdidiin sa kanyang nadehado.
Sa kontrobersya ng mag-ama, malinaw na wala nang mawawala ke Pards lalo pa’t sentensyado na siya. Pero ang mag-ama, siguradong haharap sa malaking kahihiyan bukod pa sa matinding delubyong kalakip ng naganap na panggogoyo.
Hinanakit ni Pards, hindi naman niya pinlano o hinanap ang serbisyo ng isang areglador sa naturang kaso sa paniwalang mananaig ang totoo.
Ginawa lang umano siyang patamaan ng totoong may sala. Kumbinsido rin si Pards na maa-abswelto.
Katunayan pa nga aniya, walang patawag ang korte na hindi siya dumalo. Ang pangyayari sa Makati RTC ay isa lang sa maraming bulilyaso sa loob at labas ng husgado.
Pero kung totoo ang paandar ng anak ni Judge hinggil sa aregulan ng kaso sa Makati RTC, may sapat na dahilan mag-atubili ang publiko sa integridad ng ating husgado.
