MAKARARANAS ng mas matinding init ang ilang bahagi ng bansa sa mga susunod na araw, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, Astronomical Service Administration (Pagasa) bunsod anila ng tinatawag na “high pressure.” Partikular na tinukoy ng government weather bureau ang ridge ng isang high pressure area na inaasahang makaka-apekto sa silangang bahagi ng Northern at Central Luzon.
“Asahan na patuloy na makararanas ng maalinsangang panahon ang buong bansa,” ani Pagasa weather forecaster Samuel Duran.
Gayunpaman, may nakikita naman aniyang posibilidad ng maulap na himpapawid sa National Capital Region, na pwedeng magdulot ng localized thunderstorms at isolated rainshowers pagsapit ng hapon o gabi.
Pinakamataas na temperaturang aanabayanan ay sa Metro Manila kung saan maaaring umabot sa 34 degrees ang temperature habang ang heat index naman hanggang 36 degrees.
