WALANG nakikitang kapabayaang hudyat ng kasong kriminal at administratibo ang Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng mga napaulat na “mishandling” ng kumpanyang pag-aari ng negosyanteng si Dennis Uy sa mga election paraphernalia na ginamit nitong nakalipas ng May 2022 general election.
Ayon kay Director John Rex Laudiangco tagapagsalita ng Comelec, nakapagsumite na rin sa Comelec en banc ang investigation panel na naatasang magsiyasat sa mga paratang laban sa F2 Logistics ni Uy.
“Tinitignan po namin ‘yan in so far as contract implementation is concerned… As to the other parts of legality, wala pong nakita ang packing and shipping committee na violation that would result into an election offense or any other investigation or criminal or administrative whatsoever,” ani Laudiangco.
Gayunpaman, sinisilip naman aniya ng Comelec en banc ang aspeto ng kontrata hinggil sa paggamit ng mga official ballot box bilang sisidlan ng mga ginamit na vote counting machines (VCM), indelible ink, appointment papers at seal.
Aniya, tanging balota lamang ang pinahihintulutang ilagay sa loob ng mga naturang ballot boxes.
“So ‘pag tinignan niyo sa labas, akala mo official ballots but inside, wala pong official ballots doon, yun lang po mga nabanggit kong items. In this situation, lahat po sila magkakasama doon sa room na pinagtaguan doon sa Jose Rizal Elementary School in Manila. Dumating po si F2 Logistics and the clerk in charge apparently said, ‘Kunin mo lahat,” ani Laudiangco.
Dagdag pa niya, ang paraphernalia ay hindi umano nadala sa abandonadong warehouse.
Sa halip, iniwan sa isang bukas na garaheng ginamit ng F2 sa Amadeo, Cavite – responsibilidad na aniya’y inako ng F2 Logistics driver at isang assistant. Magugunitang umani ng batikos ang Comelec kaugnay ng kontratang nilagdaan sa F2 Logistics ni Uy na kilalang malapit na kaibigan at campaign donor ni Pangulong Rodrigo Duterte.
