INIHAYAG ng Maritime Industry Authority (MARINA) na mataas ang deman sa mga Filipino seafarers sa ibang bansa sa kabila ng hidwaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sa panayam sa Laging Handa briefing, sinabi ni Captain Jeffrey Solon, Deputy Executive Director ng Standard of Trainings, Certification and Watchkeeping (STCW) Office ng MARINA, nasa 500,000 Filipino seafarers ang kasalukuyang nasa iba’t ibang bansa.
“Tumaas ito dahil sa conflict ng Russia at saka Ukraine. ‘Yung demand ng mga Pilipino, lalo na roon sa area ng Ukraine, ay tumataas,” sabi nito.
“Kami rito sa MARINA tinutulungan natin ‘yung ating manning industry na mapabilis po ang kanilang applications para mabigyang-tugon agad ‘yung kailangan sa pagpapalit o pag-replace ng mga Ukrainian at saka Russian seafarers,” dagdag pa nito.
Gayunman, nagbabala naman sa mga mag-aapply na seaman na magsumite lamang ng aplikasyon sa pamamagitan ng MARINA Integrated Seafarers Management Online (MISMO) System.
Binalaan din ang mga seafarer na huwag pekein ang mga dokumentong isusumite para makaiwas sa posibleng multa o suspensiyon.
