BINANGONAN, Rizal — Walang lugar sa Binangonan ang mga terorista. Ito ang pagtitiyak ni Mayor Cesar Ynares kasabay ng paglagda sa kasunduang nagbibigay ng buong suporta ng lokal na pamahalaan sa hangaring ganap nang mapuksa ang terorismo at insurhensya sa baybaying lokalidad sa lalawigan ng Rizal.
Giit ni Ynares, hindi dapat malinlang ang mga mamamayan sa matamis na pangako ng mga teroristang nagpapanggap na makabayan.
Sa pagbisita ni Lieutenant Colonel Erwin Comendador, Commanding Officer ng 80th Infantry (Steadfast) Battalion na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Philippine Army 202nd Infantry Unifier Brigade kamakailan, pinagtibay rin ng alkalde ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Philippine Army para sa mga programa at proyekto ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Lubos naman ang pasasalamat ni Comendador kay Ynares at nangako rin ito ng buong suporta upang matulungan ang lokal na pamahalaan ng Binangonan sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa kanilang bayan. Tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ni Comendador sa iba pang bayan sa Rizal upang mapalakas pa ang mga hakbang ng mga ito laban sa mga teroristang grupo.
Ayon sa 80th Infantry Battalion, tinututukan nila ngayon ang mga lugar kung saan may presensiya ng legal na prenteng samahan na kasabwat ng Communist Party of the Philippines (CPP), NPA at National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Anila, patuloy ang mga ito sa pagmamanipula at pag-recruit sa mga indibidwal sa mga lugar na tinatawag nilang “white area,” nagagamit sa mga malawakang kilos protesta sa kamaynilaan o kalunsuran na kanilang inilulunsad upang kalabanin ang pamahalaan.
Dagdag pa ng 80th Infantry Battalion, ang iba ay nagiging ganap na kasapi ng kilusan na sumusuporta sa mga NPA na kumikilos sa red area o mga nasa malalayo at liblib na kanayunan na itinuturing nating Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs) na dito namamalagi at kumikilos ang mga NPA.
