DISMAYADO ang politiko at aktres na si Angelika dela Cruz matapos makatanggap ng mga pagbabanta sa buhay.
Nakatanggap si dela Cruz, barangay captain ng Longos, Malabon, ng apat na bala ng baril.
Inilabas ng aktres sa kanyang Instagram noong Hunyo 7, ang larawan ng punit na sulat na nagbabanta sa kanyang buhay.
“Napakadumi po [talaga] ng politika sa ating bansa. ‘Yan po ang sulat at bala na pinadala sa XO ng aming barangay na nagsasabi na may [apat] daw na susunod at kaya may umiikot na ‘di kilala sa bahay naming magkapatid,” sabi nito. “Grabe naman kayo kung sino man kayo na gumagawa nito sa amin,” sabi ng aktres.
Hindi pa rin batid kung anong hakbang ang gagawin ng aktres matapos ang insidente.
Umulan naman ng mensahe ng pag-aalala ang mga kasamahan sa showbiz ng aktres.
