MATAPOS dedmahin sa tatlong public auctions, nakatakdang isalang sa panibagong subastahan ang apat pang mga mamahaling sasakyang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa hangaring makalikom ng hindi bababa sa P22.4 milyong pondo para matustusan ang mga pangangailangan ng gobyerno.
Sa kalatas ng Manila International Container Port (MICP), kabilang sa mga iba-bargain ng ahensya sa Mayo 27 ang isang 2006 model ng Lamborghini Vin na kinumpiska taong 2016.
Nakalinya rin ibenta ng pamahalaan ang 2008 model ng Ferrari Scuderia 430, 2001 model ng Porsche Boxster at 2011 model ng Mercedes Benz E220 – mga mamahaling sasakyang nakumpiska ng kawanihan nito lamang nakaraang taon. Sa datos ng BOC, nagtakda ng P10.4 million “floor price” para sa Lamborghini na tampok na naturang public auction, P10.5M para sa Ferrari, P809,000 para sa Porsche Boxster at 898,100 para sa Mercedes Benz.
Magugunitang una nang isinalang sa subasta ang Ferrari, Porsche at Mercedes Benz noong Disyembre 2021, Enero 2022 at ang pinakahuli nitong buwan ng Abril.
Sa May 27 public auction, umaasa naman ang ahensyang mabebenta na nila ang mga kumpiskadong luxury cars na di hamak na mas mura na kumpara sa mga presyong itinakda sa mga nakalipas na public auctions.
Abril 27 nang makalikom ng P6.3 milyon ang kawanihan mula a pagbebenta ng isang brand-new Mercedes Benz G500 sport utility vehicle (SUV) sa halagang P4.8 million, isang 2001 Mercedes Benz SLK55 sa presyong P775,000 at isang 2001 Mercedes Benz SLK350 na naisalya sa halagang P730,000.
Kasalukuyang nakabarega ang mga Lamborghini sa pasilidad na pag-aari ng Pacific Roadlink Logistics Inc. sa Angat Bulacan, habang nasa South Harbor naman sa Maynila ang tatlong iba pang sasakyang nakahanay idispatsa ng naturang ahensya.
Pinili ng pamahalaang huwag nang durugin ang mga nasabat ng sasakyan bunsod ng kakapusan sa pondo bunsod ng pagbagsak ng ekonomiya dahil sa pandemya.
Paglilinaw naman ni Finance Sec. Carlos Dominguez, winasak ng gobyerno ang mga smuggled luxury cars noong mga nakalipas na taon bilang babala at pahiwatig na seryoso ang administrasyong Duterte na wakasan ang smuggling sa bansa.
Gayunpaman, sinabi ng Kalihim na posibleng mauwi pa rin sa pagkawasak ang mga naturang luxury cars na isinusubasta ng BOC kung sadyang hindi magawang ibenta ng pamahalaan ang mga nasabing sasakyan.
