TARGET ng Commission on Elections (Comelec) na iproklama sa darating na Miyerkules (Mayo 25) ang mga nanalong partylist groups na magiging bahagi ng 19th Congress pagsapit ng Hunyo 30.
Ayon kay Director John Rex Laudiangco na tumatayong tagapagsalita ng komisyon, nagpasya ang poll body na iproklama na ang mga partylist groups na nakakuha ng sapat na bilang ng boto nitong nakalipas na Mayo 9, alinsunod sa mga probisyong kalakip ng Republic Act 7941 (Party List System Act of 1995).
Paniwala pa poll body, hindi makaaapekto sa ranking ang isasagawang proklamasyon ng mga nanalong partylist groups sa kabila ng nakabimbing resulta ng halalan sa ilang lugar sa lalawigan ng Lanao del Sur at maging sa mga botanteng nakabase sa Shanghai, China. Magugunitang nagdeklara ng failure of election ang Comelec sa ilang lugar sa Lanao del Sur kung saan nakapagtala ng mga marahas na insidenteng may kinalaman sa pagdaraos ng halalan.
Hindi naman natuloy ang halalan sa hanay ng mga botanteng Pinoy na nakabase sa Shanghai bunsod ng umiiral na lockdown kaugnay ng panibagong COVID surge sa naturang bansa.
