Magandang balita.
Umabot na sa 10,990,908 ang bilang ng mga pasaherong nakatanggap ng libreng sakay ng MRT-3 mula ika-28 ng Marso hanggang ika-9 ng Mayo 2022.
Nakapagtala ng 1,934,424 na pasahero ang MRT-3 sa unang linggo ng libreng sakay mula ika-28 ng Marso hanggang ika-3 ng Abril, 2022.
Sa ikalawang linggo ng programa mula ika-4 hanggang ika-12 ng Abril, 2022, umabot sa 2,666,030 ang mga pasaherong napagsilbihan ng linya. Sa ikatlong linggo naman mula ika-18 hanggang ika-24 ng Abril 2022, nasa 2,003,004 mga pasahero ang nakatanggap ng free ride. Sa ikaapat na linggo mula ika-25 hanggang ika-30 ng Abril, nakatanggap ang 1,869,179 pasahero ng handog na libreng pamasahe ng MRT-3.
Sa ikalimang linggo ng libreng sakay mula ika-1 hanggang ika-9 ng Mayo 2022, nasa 2,518,271 ang mga pasaherong nakalibre ng pamasahe sa MRT-3.
Pinalawig naman ang pamamahagi ng libreng sakay ng MRT-3 hanggang ika-30 ng Mayo 2022, na layong maipakita sa mga pasahero ang mas pinagandang serbisyo ng fully-rehabilitated nang MRT-3
Matatandaang natapos ang rehabilitasyon ng buong linya ng MRT-3 noong Disyembre 2021, katuwang ang maintenance provider ng linya na Sumitomo-MHI-TESP. Samantala, pinangunahan ni mismong Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang inagurasyon ng matagumpay na pagtatapos ng rehabilitasyon ng linya.
Upang mas maraming pasahero ang maisakay ng MRT-3, patuloy ang pagpapatakbo ng pamunuan ng ng mga 4-car train sets, pandagdag sa 18 3-car train sets na tumatakbo sa linya.
Ang isang bagon ay kayang makapagsakay ng 394 na pasahero, o 1,186 na pasahero kada 3-car train set. Ang 4-car train set ay kayang makapagsakay ng 1,576 na pasahero.
Para naman maiwasan ang pagkalat ng sakit na COVID-19, nagpapatuloy ang pagpapatupad ng minimum health protocols sa buong linya, gaya ng pagbabawal sa pagkain, pag-inom, pakikipag-usap sa telepono, at pagsasalita sa loob ng mga tren. Mahigpit ding ipinatutupad ang pagsuot ng face mask samantalang boluntaryo ang pagsuot ng face shield.
