PINALAGAN ng isang militanteng kongresista ang pagbabantang isinapubliko ng isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) laban sa mga bumabatikos sa nasabing ahensya.
Para kay House assistant minority leader France Castro, hindi angkop ang bantang pagpapaaresto at pagsasampa ng kaso laban sa mga nagmamasid na kritiko — “Bawal ang balat-sibuyas at kapit-gatilyo sa public office.” Giit pa ni Castro, hindi bagay sa gobyerno ang mga hindi marunong tumanggap ng kritisismo mula sa mga grupo at indibidwal na nakatutok sa nalalapit na halalan.
Sa isang pulong-balitaan kamakailan, hayagan sinabi ni Comelec Commissioner Rey Bulay na hindi sila mangingiming atasan ang Armed Force of the Philippines (AFP) (na nasa ilalim ng Comelec control) na ipadakip at ipakulong ang mga magtatangkang manggulo sa eleksyong nakatakdang isagawa sa Mayo 9, 2022.
Ayon sa mambabatas, hindi dapat pumapasok sa public service ang mga taong nagbabalat sibuyas at hindi marunong tumanggap ng kritisismo ng mga taong nagbabantay lalo na sa halalan. “That’s just the Filipinos’ way of telling the poll body — Hey, Comelec, do your job — because after all, the holding of orderly, peaceful and credible elections is the Comelec’s job under the Constitution,” sambit ng kongresista, kasabay ng paghimok kay Bulay na iwaksi ang kultura ng pananakot sa panahon ng halalan.
Paglilinaw pa niya, hindi panggugulo sa halalan ang pagpuna sa Comelec.
“Bakit tatakutin at pipigilan ang kritikal na sentimiyento ng mamamayan lalo na’t kung may mga pinagbabatayan sila? At kailan ba naging mas mataas ang may hawak sa gatilyo kaysa sa mga sibilyan at sibilyang otoridad,” pahabol ng mambabatas sabay hirit kay Bulay na bawiin sa harap ng publiko ang kanyang binitawang pagbabanta.
