TATLONG pasahero ng Rural Tour bus ang sugatan nang pasabugin ito habang nakahimpil sa national highway, Linggo ng umaga.
Naganap ang pagsabog bandang alas-8:45 ng umaga sa likurang bahagi ng bus habang ang mga pasahero, driver at konduktor ay nag-aalmusal sa gilid na karinderya sa Barangay Making.
Ang pagsabog ay naganap isang kilometro ang layo sa regional headquarters ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-BARMM).
“Nasa labas pa ang mga bomb experts,” sabi ni Lt. Colonel Joseph D. Macatangay, town police chief.
Wala pang umaako sa naganap na pagsabog.
Nabatid na isa sa mga pasahero ay babae. Dinala ito, kasama ang dalawang iba pa sa Parang District Hospital.
Sinabi ni Macatangay na ang bus driver at konduktor, kasama ang iba pang pasahero ay nag-stopover sa Barangay Making, Parang, Maguindanao para sa almusal.
