INIANUNSIYO ng Department of Education (DepEd) ang suspensiyon ng klase sa pampublikong paaralan sa buong bansa sa darating na Mayo 2 hanggang 13.
Ayon sa kagawaran, ginawa ang dalawang linggong suspensyon ng klase sa lahat ng antas ay upang bigyang daan ang mga guro na magampanan ang tungkulin sa darating na HALALAN 2022 bilang pagsunod sa Deped Order No.29.
“Walang pasok ang mga mag-aaral mula kinder hanggang Grade 12 sa lahat ng mga pampublikong paaralan sa bansa. Inilaan ang mga nasabing araw upang magampanan ng mga guro at kawani ng DepEd ang kanilang election-related duties (Classes of Learners from kinder to Grade 12 will be suspended in all levels of public schools in the country. The said dates will be allotted for the election-related duties of teachers and DepEd staff),” ayon sa sa kanilang pahayag.
Samantala, ang mga gurong hindi kalahok sa eleksyon ay kinakailangang mag-report pa rin sa mga paaaralang kanilang pinapasukan sa mga petsang nabanggit.
Inaasahang nasa 320,000 guro ang kalahok bilang election board members, na mabibigyan naman ng karagdagang allowances at honoraria.
