ISANG linggo matapos tapyasan ng baryang P0.35 kada litro ang presyo ng krudo, agad na bumuwelta ang mga kumpanya ng langis sa ipapataw na P1.80 kada litrong umento pagsapit ng araw ng Martes, Abril 19,2022.
Sa kalatas ng Unioil Petroleum, bukod sa presyo ng krudong gamit ng mga pampublikong transportasyon, asahan din ang dagdag-presyo sa gasolina.
Sa kanilang anunsyo, P0.50 naman ang dagdag presyo kada litro ng gasolina. Marso ng kasalukuyang taon, dalawang bigtime oil price increase ang ipinataw ng mga kumpanya ng langis dahil sa diumano’y kapos na supply sa gitna ng digmaan sa pagitan ng dalawang petroleum exporting countries – ang Russia at Ukraine.
Bukod sa mga presyo ng mga produktong petrolyo, nagtaasan na rin ang halaga ng mga pangunahing bilihin sa mga pamilihan, habang nakabimbin naman ang mga petisyon para sa karagdang singil sa pasahe sa mga pampasaherong jeep at umento sa sahod ng mga minimum wage earners.
Bigo naman ang mga militanteng sektor na makumbinsi ang pamahalaan sa isinusulong na agarang suspensiyon sa pangongolekta ng excise at value added tax sa mga produktong petrolyo.
