SA bahagyang paghigpit ng daloy ng trapiko sa Kamaynilaan, nais ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magpatupad ng bagong number coding scheme sa National Capital Region (NCR) simula sa buwan ng Mayo.
Ito ay ayon kay MMDA chairman Atty. Romando Artes, matapos isumite niya ang panukalang bagong Modified Unified Volume Vehicular Reduction Program (UVVRP) sa Metro Manila Council para maaprubahan bagong implementasyon nito sa susunod na buwan para maibsan ang mabigat na trapiko sa Kalakhang Maynila at kalapit na mga lugar.
“Isinumite na po natin iyan sa Metro Manila Council at ini-expect po natin na after Holy Week maaaprubahan na po ito. Target date po ay May 1 pero pwede po natin itong i-adjust sa May 16 dahil ito po ay in preparation sa darating na pasukan sa darating na Hunyo,” ani Artes.
Sa ilalim ng bagong number coding scheme, apat na plate number ending na ang ipagbabawal sa kalsada mula alas-singko ng hapon hanggang alas-siyete ng gabi, Lunes hanggang Biyernes.
Ibig sabihin, dalawang beses maapektuhan ang bawat sasakyan sa sistemang ito ng number coding.
Mga pribadong sasakyan lamang ang sakop nito at hindi kasali sa sistema ang mga pampublikong transportasyon at mga motorsiklo.
Hinayag ng chairman ng MMDA na 40 porsiyente ang inaasahang mababawas sa volume ng mga sasakyan sa ilalim ng sistemang na ito tuwing rush hour.
“From moderate to heavy, ini-expect po natin na iyong mga pangunahing lansangan natin will be light to moderate lamang at magpapabilis po ng daloy ng traffic,” sabi pa ng opisyal.
Bukod sa panukalang traffic scheme, isinusulong din ng MMDA na i-adjust ang oras ng pasok sa trabaho ng mga kawani ng gobyerno sa Metro Manila.
Mula sa kasalukuyang alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon, itinutulak ng MMDA na gawing alas-7:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.
