
PATAY ang isang 18-anyos na estudyante matapos umanong sumailalim sa hazing o initiation rites ng fraternity sa Laguna.
Dead on arrival sa General Cailles Hospital sa Pakil, Laguna si Reymarc Rabutazo ng Barangay Longos, Kalayaan, Laguna.
Sumailalim umano ito sa hazing ng Tau Gamma Phi Fraternity nitong Linggo.
Ayon sa report ng Kalayaan Municipal Police Station, nakarating sa kanilang tanggapan ang impormasyon na isang binata ang nasawi matapos malunod sa ilog.
Nang kanilang puntahan ay doon na napag-alaman na biktima umano ito ng hazing.
Ang lola umano ng biktima ang nagsabi sa mga pulis na isinugod na ito sa pagamutan.
Nakita ang mga pasa sa mga hita ng biktima.
Humiling na ang Kalayaan Municipal Police Station na ma-autopsy ang bangkay ng biktima.
Sa mga oras na ito ay nakikipagtulungan umano sa kanila ang ilang miyembro at opisyal ng Tau Gamma Phi sa Kalayaan, Laguna
Photo courtesy: Kalayaan, Laguna Municipal Police Station