NASA balag ng alanganin ngayon ang kandidatura ni 5th district Congressman PM Vargas na maaaring ikabagsak nito para muling masungkit ang puwesto sa naturang distrito sa Quezon City.
Ito ay makaraang sampahan ng kasong Act of Lasciviousness sa Quezon City Prosecutors Office si QC 5th District Congressman PM Vargas ng isang alyas ‘Jane’.
Sa kanyang reklamo, sinabi ni alyas Jane na nag-ugat ang kaso nang ipatawag siya ni PM Vargas noong February 25,2025 na pumasok sa sasakyan ng mambabatas.
Sa loob anya ng kotse ng mambabatas ay doon na siya ginawan ng kahalayan.
Aniya, napilitan na rin siyang magsampa ng kaso upang hindi na madagdagan pa ang bilang ng mga kababaihang maaari nitong abusuhin. Wala anyang humimok sa kanya na sampahan ng kaso si PM Vargas bagkus ay nais lamang niyang maparusahan ito ng batas.
“Siya pa ang isa sa gumagawa ng ating mga batas, pero siya pa ang lumalabag sa batas kaya’t dapat siyang parusahan sa ginawa sa akin” ayon pa sa biktima.
