ANTIPOLO City, Rizal — Para kay Senador Imee Marcos, higit na angkop isulong ng gobyerno bakawan at pagtatanim ng kawayan sa mga dalampasigan ng ilog, laot at lawa bilang bahagi ng flood control program ng pamahalaan.
Sa isang pulong-balitaan kasabay ng pagbisita sa kabisera ng Rizal, nagpahayag ng pagkabahala si Marcos sa pinsalang tinamo ng bansa sa sunod-sunod na bagyong humagupit noong nakalipas na taon.
Partikular na tinukoy ng senador ang perwisyong aniya’y patuloy na iniinda sa mga apektadong lokalidad kabilang ang 207 munisipalidad at 29 na lungsod na isinailalim sa State of Calamity matapos salantahin ng bagyong Kristine.
Paliwanag ni Marcos, napapanahon nang pagtuunan ng pamahalaan ang isang komprehensibong programa tinawag niyang “Green Infrastructure” na naglalayong isama sa solusyon ang pagtatanim ng bakawan na panangga sa pagtaas ng lebel ng tubig.
Bukod sa aniya’y natural flood control, kabuhayan rin umano ang hatid ng mga bakawan. Para naman sa mga ilog, sapa at iba pang daluyan ng tubig, mungkahi ni Imee ang pagtatanim ng kawayan bilang proteksyon sa pagguho ng lupa sa dalampasigan.
“Nakakabahala na ang climate change… imagine Marso na ngayon, kumakatok na ang panahon ng tag-init pero may panaka nakang buhos ng ulan pa rin. Lalo pa siguro pagtungtong ulit ng tag-ulan,” dugtong ng reelectionist senator.
“Siguradong babahain na naman ang iba’t ibang panig ng bansa,” wika ng senador, kasabay ng panawagan sa publiko na na makibahagi sa mga tree-planting program para ibalik ang kagubatan sa mga nakakalbong kabundukan,” pahabol ni Marcos.
Samantala, nagpahayag ng suporta ang mga halal na opisyales ng Rizal — kabilang sina Rizal Gov. Nina Ricci Ynares, Antipolo City Mayor Jun Ynares III at Rizal 2nd District Rep. Dino Tanjuatco – sa “Green Infrastructure” na isinusulong ni Marcos.
