BAKAS sa mukha ng isang 31-anyos na pulis ang pagsisi makaraang dakpin ng mga rumorondang tanod sa aktong bitbit ang mga ninakaw mula sa pinasok na hardware sa Barangay Sta. Maria, bayan ng Gloria sa Oriental Mindoro. Kinilala ang suspek na si Police Corporal Leonell Maranan na nakatalaga sa Technical Support Company ng Regional Mobile Force Battalion ng MIMAROPA PNP.
Sa paunang ulat ng lokal na himpilan ng pulisya, dakong alas 10:00 ng gabi nang pumukaw ng atensyon ng mga rumorondang tanod ang ingay sa likod ng isang hardware sa Barangay Sta. Maria.
Nang lapitan ang naturang establisimyento, napansin nilang wasak ang kandado ng nasabing hardware. Dito na inabangan ang paglabas na suspek na agad dinakip.
Narekober sa suspek ang ilang mahahalagang kagamitan mula sa ABC hardware, mga plaiss, distilyador at martilyong ginamit sa pwersahang pagpasok at ang caliber .9mm service firearm.
Paniwala ni Gloria Police chief Major Edwin Villarba, nalulong sa online sabong ang kabarong pulis kaya nagawang magnakaw.
Bukod sa pagkalulong, lumalabas na may 89 administrative cases din ang naisampa laban kay Maranan nito lamang nakaraang taon.
