Patay ang biktima nang pagbabarilin ng gunman ang sinasakyan nito sa Bulacan.
HINDI pinaligtas ng riding-in-tandem ang isang company executive nang sabayan ang sasakyan nito at pagbabarilin sa San Jose del Monte, Bulacan, Biyernes ng hapon.
Patay agad ang biktimang si Carmelo Camon, 57, bise presidente ng isang kumpanya.
Nabatid na CCTV ng Barangay Sapang Palay Proper na binabagtas ng SUV ng biktima ang Santa Maria-San Jose Road bandang 4 p.m. nang sundan ng mga suspect sakay ng motorsiklo.
Pagdating nila sa intersection, dito na biglang pinagbabaril ng angkas ng motor ang biktima, bago mabilis na tumakas.
Parehong balot ng jacket at face masks ang mga suspek.
Ayon sa ulat, nanggaling pa si Camon sa pabrika ng kanilang kumpanya sa Santa Maria, Bulacan at pauwi na ng Novaliches.
Tumakas naman ang mga suspek sa gawi ng Norzagaray.
Tadtad ng tama ng bala ang sasakyan ni Camon, na nasa headquarters na ng San Jose del Monte Police.
“Ongoing pa ang imbestigasyon. Siyempre ‘yung sa CCTV po natin, makatutulong po ‘yan saka nagtatanong-tanong na kami,” sabi ni Police Leiutenant Colonel Allan Palomo ng San Jose del Monte Police chief.
Patuloy din ang imbestigasyon ng pulisya sa pagkakakilanlan ng mga suspek at ang kanilang motibo sa pagpatay.
