BINIGYANG-DIIN ni OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” Magsino sa kanyang interpelasyon sa budget briefing ng Department of Migrant Workers (DMW) ngayong araw ang mga panganib na kinakaharap ng mga Filipino seafarers na naglalayag sa mga tinuturing na high-risk areas, partikular sa Red Sea at mga kalapit na karagatan.
“Ilang beses nang inatake ang mga barkong may sakay na Pilipinong marino. Sa harap ng lumalalang geopolitical tensions na nakakaapekto sa mga shipping routes, nagiging isang delikadong propesyon ang pagiging marino sa kasalukuyang panahon. Sila ay madalas na nadadamay sa mga sigalot na nagaganap sa iba’t ibang panig ng mundo. Kaya’t napakahalaga na mas pagtuunan ng pansin at palakasin pa ng ating pamahalaan ang pangangalaga sa kaligtasan at kapakanan ng mga Filipino seafarers,” banggit ni Magsino.
Tinanong ni Magsino ang DMW sa status ng kanilang polisiya na nagbibigay ng karapatan sa mga Filipino seafarers na malaman kung ang barkong kanilang sasakyan ay dadaan sa mga high-risk areas at magpasya kung sasakay o hindi.
Dagdag pa rito, humingi ng update si Magsino sa plano ng DMW na maglunsad ng isang hotline para sa mga Filipino seafarers na nais ipahayag ang kanilang pagtanggi na maglayag sa mga high-risk areas, subalit nangangamba sa posibleng reprisal mula sa kanilang principal o manning agencies.
“Itong mga polisiyang ito ay magkakaroon lamang ng ngipin kung nakikita ng mga maritime principals ang tapang ng DMW na habulin sila kung may reports ng reprisal sa mga marinong tumangging lumayag sa high-risk areas o kaya’y hindi pagdeklara na dadaan ang barko sa high-risk area. Ang mga reprisal na ito ay maituturing na vitiation of consent under duress, kaya’t kinakailangang ipakita ng DMW na seryosong ipapatupad ang sanctions laban sa mga maritime principals o agencies na magbabanta sa ating mga marino,” saad ni Magsino.
Sinabi ni Secretary Hans Cacdac ng DMW na mayroong 3,300 na nag-register na mga tripulante na pumapayag silang maglayag sa high-risk areas at mayroon namang 128 na Pilipinong marino ang nag-register ng kanilang pagtanggi na sumakay sa mga barkong dadaan sa high risk areas. Dagdag pa ni Secretary Cacdac, kapag sinuway ng shipowners o manning agency ang patakaran ng DMW sa karapatan ng mga Pilipinong marino sa mga high-risk areas ay malaking parusa ang kanilang pinapataw.
Pinuri din ni Rep. Magsino ang hakbang ng DMW sa pag-require sa mga maritime principals at licensed manning agencies na i-rehistro bilang ‘significant event’ ang pagdaan ng kanilang mga barko sa mga high-risk areas sa pamamagitan ng electronic Overseas Welfare Monitoring System (OWMS).
Sa dulo ng kanyang interpelasyon, nagbigay ng buong suporta si Magsino sa proposed budget ng DMW at nanawagan pa ng dagdag na alokasyon sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso para sa Departamento.
“Bilang isang advocate para sa ating mga OFWs sa loob ng ilang dekada, at ngayon bilang kanilang kampeon sa Kongreso, mahalaga sa akin ang tamang pagpapatakbo ng mga ahensyang nagbibigay serbisyo sa kanila. Natutuwa ako na ang pamunuan ng ating DMW, pati ng OWWA, ay patuloy sa masigasig na pagkalinga sa ating mga OFWs at sa pagtiyak na ang kanilang mga karapatan ay patuloy na naproprotektahan saan mang panig ng mundo sila naroroon. Dahil dito, nais kong iparating sa buong pamunuan ng Departamento ang aking taos-pusong suporta sa pagpasa ng proposed budget ng DMW, at maging ang aking sinserong panawagan na kung kayang taasan pa ang budget ay sanang gawin ito ng Kongreso dahil ito ay magiging dagdag yakap sa bawat OFW at kanilang pamilya sa pamamagitan ng mas mawalak at agarang serbisyo ng DMW at kanyang attached agencies,” banggit ni Magsino.
