DALAWA sa apat na lalaking naghuhukay sa poso sa lalim na 13 talampakan ang hinahanap na sa retrieval operations sa Calauag, Quezon, ayon sa pulisya.
Sinabi sa report na apat na lalaking residente ng lokalidad ang naghukay para sa poso sa Barangay Biyan, dakong alas-2:30 ng hapon.
Bigla na lamang umanong gumuho ang lupa at nalibing ang apat na biktima. Nagawang maisalba ang dalawa habang hindi na makita ang dalawa pa.
Habang hinahanap ang dalawa pa, nasira ang ginagamit na backhoe kaya’t natigil ang operasyon, ayon kay Major Jernie Junne Merka, Calauag police chief.
Inaalam pa ng pulisya kung ang paghuhukay ng may-ari ay sadyang para sa poso o sa treasure hunt na talamak sa lalawigan.
