LAGUNA — Natimbog ng awtoridad ang isang suspek na nagbebenta ng illegal na droga at paglabag sa Omnibus Election Code dahil sa pagbibitbit na armas sa isinagawang operasyon sa Malvar St., Barangay San Vicente sa lungsod ng Biñan kaninang madaling-araw.
Kumpiskado kay Christopher Alon-alon, alyas Kit, 39, ng Elvinda Village, San Pedro City, Laguna ang P500 marked money matapos magpanggap na buyer ang isang pulis na bibili ng illegal na droga.
Narekober din sa paghahalughog ang limang plastic na hinihinalang shabu na may bigat na higit kumulang dalawang gramo na nagkakahalagng P13,000, sling bag na may lamang droga at isang Glock 17 na may kasamang mga bala.
Nasa pangangalaga na ng Biñan PS ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o RA 9165 at Comprehensive Law on Firearms and Ammunition o RA 10591 at The Omnibus Election Code.
Samantala, arestado naman sa manhunt operation ang isang 44 anyos na salesman na kabilang sa no. 9 most wanted person dahil sa kasong 5 counts of sexual abuse sa bayan ng Los Baños.
Tinukoy ni Acting Provincial Director PCol. Rogarth Campo ang suspek na si Nathaniel Velasco ng Barangay Tuntungin -Putho.
Inaresto ito ng Los Baños MPS bandang alas-6:37 ng gabi nitong Enero 25 dahil sa 5 counts of warrant of arrest na Lascivious Conduct under Sec.5 Art III na inisyu ng RTC Branch 8 ng Calamba City na may piyansang P200,000.
