SINABI ng Civil Service Commission na ang pagtanggap ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng P200,000 reward money mula kay Luis ‘Chavit’ Singson ay labag sa batas.
Si Singson ay nasita sa kanyang sasakyan matapos dumaan sa Edsa busway noong nakaraang linggo.
Ayon kay CSC Commissioner Aileen Lizada na ang reward ay illegal base sa Section 7 of Republic Act (RA) No. 6713 or the Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
“Section 7 of RA No. 6713 states that “public officials and employees shall not solicit or accept, directly or indirectly, any gift, gratuity, favor, entertainment, loan or anything of monetary value from any person in the course of their official duties or in connection with any operation being regulated by, or any transaction which may be affected by the functions of their office,” ayon pa sa CSC.
“Kung maraming magva-violate ang magbibigay ng pera kasi hinuli sila at ilalagay sa General Fund, there will be now another source of money coming in na dapat ho hindi,” ayon kay Lizada.
“Bayad na kami, ang aming sweldo, ng taumbayan. You don’t have to reward us for doing our work,” dagdag pa nito.
“Sa pananaw ko po…sa Batas 6713, bawal po,” ayon pa kay Lizada.
Tinanggap ng MMDA
Sa press briefing, sinabi ni
MMDA Chairperson Romando Artes na tinanggap ng ahensiya ang reward mula kay Singson.
Gayunman, sinabi nito na ang pera ay ilalaan sa MMDA general funds.
“‘Yung binigay ni Gov. Chavit na P200,000 ay pupunta sa General Fund ng MMDA, di po ‘yan id-distribute sa partikular na tao o grupo. Ico-consider po ‘yan na donation sa ahensya, not for a specific purpose but pupunta sa General Fund na kailangan i-allocate ng Metro Manila Council bago gastusin,” ayon naman kay Artes.
“No strings attached po ‘yan, hindi po ibig sabihin na pwede na dumaan si Gov. Chavit sa Busway. Wala pong exemption ‘yan,” sabi pa nito.
P100k unang alok
Noong nakaraang linggo ay nagbigay si Singson ng P100,000 cash reward sa MMDA enforcers na sumita sa kanya sa Edsa busway.
Matapos nito ay itinaas na Singson sa P200,000 ang reward na personal nitong dinala sa MMDA main office.
