
BADYET ng pambansang pamahalaan ang pangunahing adyenda ng Kongreso para sa taong 2023 ng susunod na administrasyon.
Asahang aabot din ang badyet sa trilyun-trilyong piso. Panigurado, mayroon ding pork barrel ang hihinging pambansang badyet ng pambansang pamahalaan tulad ng mga nakaraang badyet.
Hindi maipagkakaila ng sinumang senador at kongresista na mayroong pork barrel sa mga badyet ng lahat ng kagawaran ng gobyerno.
May mga pork barrel na halatang-halata ang pagkakapuwesto. Mayroon namang matindi ang pagkakatago bilang pondo ng mga nakalatag na proyekto.
Kahit higpit at husay sa pagsipat, pag-amoy at pagbusisi ng kahit sinong “anti-pork barrel” na senador at kongresista ay nakalulusot pa rin ang pork barrel. Kahit nga mayroong pangkat ng mga kaliwang kongresista ay lusot na lusot pa rin ang pork barrel.
Kahit sa Senado ay naipapasok ang pork barrel. Pumapasa talaga sa Kongreso ang badyet kahit lantad ang pork barrel, sapagkat pinagkukunan ito ng karagdagang yaman ng mga korap na senador at kongresista at siyempre korap na mga opisyal at kawani ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Wala akong natatandaang administrasyon pagkatapos mapatalsik ang diktador na si Ferdinand Marcos Sr. mula sa estado ang humadlang sa badyet na mayroong pork barrel. Minsang sinubok ni Joseph Estrada ang badyet na walang pork barrel. Ngunit, isang palabas lamang pala sa midya ang nangyari.
Kung sakaling manalo si Senador Panfilo Lacson sa pagkapangulo ng bansa ay wala ring kasiguraduhan na literal na walang pork barrel ang badyet ng pambansang pamahalaan, sapagkat siya man ay naisahan ng kanyang mga kapwa senador.
Kahit mabusisi at maraming kinukuwestyon si Lacson sa badyet, lalo na sa badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ay nailulusot din ang porkbarrel.
Walang magawa si Lacson kapag nagkaroon ng pinal na desisyon ang Bicameral Conference Committee (Bicam) sa pagpasa ng badyet na mayroong pork barrel.
Kaya, hanggat umiiral ang sistema ng pagbabadyet sa Pilipinas na kasama ang pork barrel para sa korapsyon ay siguradong magpapatuloy ang pambansang badyet na nakababad sa pork barrel.
