BUKOD sa pagiging kabisera ng sining, kabilang sa isinusulong ng lokal na pamahalaan ng Angono ang tinaguriang “calibrated development” sa hangaring panatilihing luntian ang baybaying bayan sa lalawigan ng Rizal.
Sa isang kalatas, binigyang-diin ni Angono Mayor Jerry Mae Calderon ang kahalagahan isulong ang kaunlaran sa hangaring tugunan ang lumalawak na pangangailangan ng mga mamamayan. Gayunpaman, nilinaw ni Calderon na hindi angkop na isakripisyo ang kalikasan para sa lumikha ng pondo at trabaho.
“Sino ba naman ang ayaw maging maunlad? Lahat ng lungsod at munisipalidad yan ang target. Pero hindi naman dapat makompromiso ang kapaligiran… maraming paraan para paunlarin ang bayan na hindi apektado ang kalikasan,” wika ng alkalde.
Katunayan aniya, kasado na ang Light Industrial Park of Angono Dream (LIPAD) kung saan bahagi ng plano ang pagtatakda ng mga lugar para sa komersyo, industriya, pabahay, edukasyon, turismo, agrikultura, at sentro ng sining at kultura. Paglalarawan ni Calderon, ang LIPAD – na hango sa konsepto ni Vice Mayor Gerardo Calderon – ay isang mixed-used development plan alinsunod sa Angono Strategic Action Plan (ASAP).
