KAMPO Heneral Paciano Rizal – Timbog ang mag-live in partner matapos silang manloob at makulong sa isang convenient store sa San Pablo City.
Kinilala ni Police Colonel Rogarth Campo ang mga suspek na sina Kevin Ranther Cayabyab Medrano, 25, online moderator, at kanyang kinakasama na si April Joy Arevalo Abaquita, 23, parehong na residente ng Barangay VI-E, San Pablo City, Laguna.
Ayon sa ulat ng hepe ng San Pablo City Police Station (CPS) na si PLTCOL Gary Alegre, nangyari umano ang insidente dakong alas-8:30 ng umaga nitong Miyerkoles nang pumasok ang mga suspek sa Seven Eleven (7-11) convenience store sa Barangay Del Remedio, San Pablo City, Laguna.
Habang nasa loob ng convenience store ang dalawang suspek hinawakan ang mga kamay ng dalawang babaeng biktima at dinala sa backroom.
Iginapos umano ang mga kamay ng mga biktima gamit ang pink na lace at binantaan umano na huwag nang lumaban para hindi masaktan. Kinuha ni Medrano sa manager na kinilalang si Marisa Tolentino Capilit ang benta na nagkakahalaga ng P99,940.00.
Pagkatapos ng insidente ay sinubukan umanong tumakas ng dalawa ngunit nakalas umano ng cashier na si Judy Ann Tigbao ang tali sa kanyang kamay at agad itong humingi ng tulong sa mga bystanders kung kaya’t nakulong ang dalawa sa loob ng store.
Agad namang rumisponde ang mga tanod ng Barangay Del Remedio at agad na inireport ang insidente sa San Pablo CPS. Narekober kay Medrano ang isang pink/green sling bag na naglalaman ng ninakaw na pera Nasa kustodiya ngayon ng San Pablo CPS at nahaharap sa kasong robbery hold-up ang mga nadakip ng mga suspek.
“Bilang prime onlookers sa kani-kanilang lugar, malaki ang tiwala at pasasalamat ko sa suporta ng ating mga barangay sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa ating lugar,” pahayag ni Campo.
